Thursday, January 19, 2012

Ang Kilusang Gerilya
Nang bumagsak ang Bataan at Corregidor sa kamay ng mga Hapones
noong Mayo 6,1942 ay hindi pa rin natapos ang labanan ng mga Pilipino at
Hapones. Ang mga sundalong Pilipino, sa halip na sumuko, ay namundok at
ipinagpatuloy ang pakikipagpaglaban nang palihim. Nagpangkat-pangkat sila na
kung tawagin ay gerilya at mula sa mga bulubundukin at mga ilang na lugar,
nagsagawa ng mga pabigla-biglang pagsalakay. Ang kanilang layunin: lusubin ang
mga garison, patayin ang mga sundalo at opisyal na Hapon, palayain ang mga
nakakulong, at salakayin ang mga istasyong militar upang sirain ang mga
kagamitan at manguha ng mga bala at armas na gagamitin sa paglaban sa mga
hapon.
Sa kalaunan ay lumaki ang bilang ng mga gerilya at ito ay dahil sa pagiibayo ng kalupitan ng mga Hapon. Nagsama-sama ang mga maliliit na pangkat
mula sa iba’t ibang panig ng bansa. Naragdagan ang dami ng mga puwersang
gerilya nang sumapi ang mga sibilyan sa mga lungsod at bayan-bayan kasama na
ang ibang opisyal ng mga pamahalaang bayan na nagkukunwang tumutulong sa
mga Hapon. Namundok din ang mga sibilyan at karaniwang mamamayang hindi na
makatiis sa pagpapahirap ng mga Hapon. Kasama rin ang maraming kababaihang
naging biktima ng karahasan ng mga dayuhan.
Maraming pangkat ng mga gerilya ang nabuo sa iba’t ibang dako ng
Pilipinas. Ang ilan sa mga lider ng mga gerilya ay militar, samantalang ang iba’y
sibilyan. Si Tomas Confesor ang sibilyang lider ng Panay, samantalang si Koronel
Macario Peralta naman ang lider militar. Sa Leyte ay si Koronel Ruperto Kangleon.
Sa Mindanao ay sina Tomas Cabili at Salipada Pendatun. Sa Luzon, napabantog
sina Wenceslao Q. Vinzons at Marcos V. Agustin (Marking). Bukod dito, may mga
Amerikano ring naging kasapi at kasamang namundok at lumaban.
Sapagkat lumalaki ang kilusan at nagiging mapanganib para sa mga Hapon
ang mga gerilya, naging lalong malupit at mahigpit ang mga Hapon. Maraming
dinakip kahit walang sala. Kumuha ng maraming sibilyan na ginawang makapili at
bawat mapaghinalaan ay ikinukulong sa Puwersa Santiago sa Maynila at sa iba’t
ibang garisong itinayo. Subalit lalo lamang dumami ang nagsisapi sa kilusan.
Habang tinatakot ang bayan, lalo namang tumindi ang kanilang galit.
Pagtatatag ng Ikalawang Republika
Pagkatapos itatag ang Komisyong Tagapagapaganap ng Pilipinas, sa
pamumuno ni Jose Vargas, ipinag-utos ng mga Hapon ang paglikha ng pitong
kagawaran na ang bawa’t isa ay may kalihim na Pilipino. Ngunit sa bawat
kagawaran ay may isang Hapon na nagmamatyag at nagsasabi sa mga kalihim
kung ano ang gagawin.
Nang dakong 1943, nilikha ng mga Hapon ang Panimulang Lupon sa
Pagsasarili ng Pilipinas na binubuo ng mga Pilipino at inatasan itong maghanda ng
isang saligang-batas bilang paghahanda sa republikang kanilang ipagkakaloob.
Bago nangyari ito, pinawalang-bisa ng mga Hapon ang mga partidong pulitikong
naitatag noong panahon ng Komonwelt. Bilang kapalit nito, inutusan nila ang mga
Pilipinong lumikha ng isang Kapisanan sa Paglilingkod ng Bagong Pilipinas o
KALIBAPI. Inutusan itong sumulat at pagtibayin ang isang saligang-batas para sa
pagtatatag ng bagong Republika ng Pilipinas. Naghalal ang KALIBAPI ng mga
kaanib ng Pambansang Asembleya at noong ika-23 ng Setyembre, 1943, sa pangunang pagtitipon ng Asembleya ay nahalal na Pangulo ng Republikang tinatangkilik
ng Hapon si Jose P. Laurel.
Noong ika-14 ng Oktubre,1943 ay pinasinayaan ang Ikalawang Republika ng
Pilipinas na lalong kilala sa tawag na pamahalaang nasa patnubay ng Hapon. Ang
pambansang awit at watawat ng Pilipinas na dati ay ipinagbawal ay ipinaawit at
iwinagayway. Nang araw ding iyon, pinilit ng mga Hapon si Jose P. Laurel na
pirmahan ang isang kasunduang militar kung saan ang Pilipinas ay nangangako ng
katapatan sa bansang Hapon. Ngunit bagama’t pumirma si Pangulong Laurel, ito ay
walang saysay sapagkat nanatiling matapat sa mga Amerikano ang mga Pilipino at
hinihintay lamang ang kanilang pagbabalik.
Pagbabagong Pampulitika
Sa ilalim ng Republika, lahat ng mga nanungkulan sa pamahalaang
pambansa at lokal ay pawang Pilipino, ngunit hindi maaaring tumutol sa bawat
naisin ng mga opisyal na sundalong Hapon na nakatalaga at nagmamatyag sa
bawat kilos nila. Liga militar na Hapones ang nagpapatakbo ng pamahalaan. Ang

PAMAMAHALA AT PAMAMALAKAD NG MGA HAPON


Maikli lamang ang panahon ng pananakop ng mga Hapon. Subalit ang
panahong iyon ay nakatimo din sa isipan ng ating mga kababayan. Ilan sa mga isyu
at usaping binubuksang muli ngayon ay ang isyu ng “comfort women” o pangaabuso sa mga kababaihan. Isa lamang iyan sa mga naranasan ng mga Pilipino sa
kamay ng mga Hapon.
Sa modyul na ito, pagtutuunan ng pansin ang pamamahala at
pamamalakad ng mga Hapon, ang mga pagbabagong nais nilang ipatupad, at
ang mga karahasang hinding hindi malilimutan ng mga Pilipinong nabuhay
noong panahong iyon. Talaga nga kayang pagkakalooban nila ng kalayaan ang
mga Pilipino noon?

Ang Pananaw ng Hapon Para sa Dulong Silangang Asya

Ang Pilipinas ay paunlad na nang paunlad, lalo na sa kabuhayan, nang

sumiklab ang ikalawang digmaang pandaigdig at sakupin ito ng mga Hapones.

Nang mapabagsak ang Bataan at Corregidor, nagtatag ng isang pamahalaan ang

mga Hapon sa Maynila. Nabanggit na, sa sinundang modyul, ang paghirang nila

kay Jose Vargas bilang tagapangulo ng itinatag na Komisyong Tagapagpaganap

ng Pilipinas.

Noong mga unang buwan ng 1943, ipinahayag ng mga Hapon na nais

nilang mabigkis ang lahat ng mamamayan ng Dulong Silangang Asya upang

magkaroon ng kasaganaan at kaunlaran sa bahaging ito ng daigdig. Upang matamo ito, bubuo ang Hapon ng mga programang pang-ekonomiya upang

magkaroon ng pagkakaisa ang mga rehiyon sa Pasipiko, mula sa Burma hanggang

Australia.

Pinangakuan nila ang mga Pilipino na bibigyan ng kasarinlan kung sila ay

tutulong sa pagbuo ng “Samasamang Kasaganaan sa Higit na Malaking Silangang

Asya”. Tinawag ito sa Ingles na “Greater East Asia Co-Prosperity Sphere.”

Lumalabas na ang layunin nila sa pananakop ay ang paunlarin ang Dulong

Silangang Asya na kinabibilangan ng Pilipinas. Lumalabas din na isang paanyaya

ang pagmumungkahing sumali ang Pilipinas sa kalipunang ito. Ngunit kung

susuriin, mangyayari lamang ang sinasabing kasaganaan kung ilalagay ang mga

bansa sa ilalim ng kanilang pamumuno at kapangyarihan. Mga Tunay na Layunin sa Pananakop ng Hapon

Bukod sa “paanyaya” ng Hapon sa Pilipinas na lumahok sa kanyang

programa, maraming salik na nagtulak sa bansang Hapon upang palawakin ang

kaniyang teritoryo. Una, lumalaki ang populasyon ng Hapon at kailangan ng mas

malaking teritoryo. Pangalawa, lumalaki ang kanilang produksyon at kinakailangang

magkaroon ng pamilihan ang kanilang mga kalakal. Pangatlo, ang bansang Hapon

ay naghahanap ng makukuhanan ng mga likas na yaman upang gamitin sa

paggawa ng mga makabagong teknolohiya at mga kagamitang pandigma.

Upang madaling matamo ang kanilang mga layunin, pinag-aralan ng mga

Hapon kung paano kukumbinsihin ang mga opisyal na Pilipino. Batid ng mga

Hapon ang kasaysayan ng pakikipaglaban ng mga Pilipino upang makuha ang

kalayaan sa mga Espanyol at Amerikano. Batid nila na pinagpilitan ng mga

Pilipinong makuha ang kalayaan upang mapasakamay nila ang pagpapatakbo ng

pamahalaan. Walang ninanais ang mga Pilipino kundi ang pamunuuan ang sarili

nilang bansa. Dahil dito, pinangakuan nila ng kasarinlan ang mga Pilipino. Upang

isulong diumano ang kasarinlang ito, nangako ang pamahalaang militar ng Hapon

na magtatatag ito ng isang Republika na pamumunuan ng mga Pilipino.